Klase sa mga Paaralan sa Cagayan, Sinuspinde ngayong araw!

Cauayan City, Isabela- Kinansela ngayong araw, Nobyembre 18, 2019 ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan ang pasok sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa buong Lalawigan.

Sa nakalap na impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa tanggapan ni Rogie Sending Jr., Public Information Officer ng lalawigan ng Cagayan, batay sa deklarasyon na rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) sa tanggapan ni Cagayan Governor Manuel Mamba ay agad na pinirmahan at ipinalabas ang naturang kautusan na suspindehin ang klase.

Mahigpit ang monitoring ngayon sa mga lugar na itinuturing na ‘high risk’ sa pagbaha at landslide upang maiwasan ang anumang panganib sa mga estudyante at mamamayan sa pananalasa ng bagyong Ramon sa Lalawigan.


Mananatili ang suspensyon ng klase hanggat hindi umano binabawi ni Gov. Mamba ang naturang kautusan.

Kasabay nito, nagpatupad na rin ng “Liquor Ban” simula kaninang alas 6:00 ng umaga ang pamahalaang panlalawigan ng Cagayan hanggang sa pag-alis ng nasabing bagyo.

Ayon pa kay Sending, nakahanda na rin ang mga relief goods para sa mga maaaring evacuees ng bawat barangay na maapektuhan ng kalamidad.

Base sa talaan ng Office of Civil Defense (OCD) RO2, nasa 39 pamilya o 126 katao na ang inilikas mula sa Brgy Salungsong at Capacuan habang nasa 63 katao naman mula sa Brgy. Cadongdongan sa bayan ng Sta Praxedes ang kusang lumikas dahil sa banta ng landslide.

Samantala, nagsuspinde na rin ng pasok mula pre-school hanggang high school sa Lalawigan ng Kalinga maging sa bayan ng Conner, Pudtol at Calanasan sa probinsya naman ng Apayao.

Facebook Comments