Cauayan City, Isabela- Suspendido ngayon ang klase sa pampubliko at pribadong paaralan sa lahat ng antas na gumagamit ng online, modular o blended learning sa buong lalawigan ng Cagayan.
Ito ay makaraang ipag-utos ni Governor Manuel Mamba sa kabila ng nararanasang tuloy-tuloy na pag-uulan dahilan para umapaw ang lebel ng tubig sa mga ilog sa lalawigan.
Ayon kay Mamba, nangangamba ito sakaling makaranas ng pagguho ng lupa lalo pa’t nakaranas ng halos walang patid na sama ng panahon mula sa mga nagdaang bagyo.
Bagama’t walang face-to-face classes ay minarapat pa rin ng gobernador na suspendihin ito dahil posibleng magdala ng peligro sa lahat lalo na ang mga guro na maghahatid ng module gayundin ang mga estudyante na kukuha nito at ang mahinang signal ng internet connection dahil sa panahon.
Hihintayin naman ang abiso mula sa tanggapan ng gobernador kung hanggang kalian ipatutupad ang nasabing suspensyon.