Isang kumpanya ng minahan na hindi ipinakilala ang interesadong umangkin sa kasalukuyang lugar na pinagmiminahan ng Oceana Gold Philippines Incorporated.
Sa nakuhang mga dokumento ng 98.5 iFM Cauayan ng Radio Mindanao Network mula sa mga mamamayan ng Barangay Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya ay sinasabi sa isang liham ng isang consultancy group kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na mayroon daw itong “kliente” na nais umangkin sa lugar ng Oceana Gold Philippines Incorporated (OGPI) sa Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya..
Sinabi sa liham buhat sa RVDIAZ Consultancy & Management Corporation na pirmado ng dating kongresman Renato Diaz bilang Chairman at Presidente na dahil sa hindi pinirmahan ng Pangulong Duterte ang pagpapalawig ng FTAA ng Oceana Gold sanhi sa umano ay matinding pagtutol ng lokal na pamahalaan at ng kumunidad ay mangyaring ang “kliente” na niya ang mamamahala sa pasilidad at minahan ng OGPI.
Sinabi pa sa sulat na dahil hindi rin maganda ang relasyon ng lokal na pamahalaan o LGU sa kumpanya ng Oceana ay mas mainam na ang isang minahan na nasa katabing lugar ang siyang mangangasiwa sa minahan ng Didipio. Mainam daw na iisang kumpanya ang magmimina mula sa iisang “distrito”.
Ang naturang “kliente” ng RVDIAZ Consultancy ay mayroon umanong “mahusay” na relasyon sa lokal na pamahalaan.
Ipinangako din sa sulat na kung ang kliente ni dating kongresman Diaz ang mangangasiwa sa minahan ay gagawing modelo ang pamamahala nito na papabor sa tradisyunal na mga minero.
Sa naturang sulat na petsado ng Oktubre 23, 2019 na kumakalat ngayon ang kopya sa Barangay Didipio, Nueva Vizcaya at social media ay humihingi si dating kongressman Diaz ng pagkakataon kay Pangulong Duterte upang talakayin ang kanilang mungkahi.
Magugunita na lubos ang pagtutol ni Governor Carlos Padilla sa operasyon ng Oceana Gold Philippines Incorporated sa Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya.
Samantala, si RVDIAZ Consultancy and Management Corporation Chairman at President Renato Diaz na dating mambabatas ng unang distrito ng Nueva Ecija ay nakasabayan ni Gobernador Carlos Padilla sa ika-sampung kongreso noong ito ay nanungkulang kongressman ng Nueva Vizcaya.