KLINARO | 5 senador, ipinaliwanag sa boto kontra sa Martial Law Extension

Manila, Philippines – Bomoto kontra sa pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao sina opposition Senators Franklin Drilon, Kiko Pangilinan, Risa Hontiveros, Bam Aquino at Chiz Escudero na kasapi ng mayorya.

Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, hindi maaring gawing normal ang pag-iral sa Mindanao ng martial Law na ipinatutupad kahit walang basehan.

Ikinumpara pa ni Drilon ang Martial Law sa anti-biotic na ginagamit lamang sa limitadong panahon dahil kapag nasobrahan ay hindi na uubra laban sa mga bacteria.


Giit ni Senator Francis Kiko Pangilinan, ang Martial Law extension ay nakakaapekto na sa buhay ng milyun milyong mamamayan at salungat din ito sa demokrasyang ginagarantiyahan ng konstitusyon.

Dagdag pa ni Pangilinan, hindi rin naman nakakatulong sa rehabilitasyon ng Marawi ang batas militar na mahigit isa’t kalahating taon ng ipinapatupad.

Para naman kay Senator Risa Hontiveros, hindi kailangan ang Martial Law dahil sapat ang kakayahan ng ating sandatahang lakas para tugunan ang anumang problemang panseguridad ng Mindanao.

Ipinaalala din ni Hontiveros sa militar ang mandatong pagsilbihan ang taumbayan at huwag maging instrumento ng otoritaryanismo.

Diin naman ni Senator Bam Aquino, rehabilitation, peace and order at good governance ang kailangan sa Mindanao at hindi Martial Law.

Maging si Senator Escudero ay kumbinsido din na wala nang basehan ang Martial Law extension dahil wala namang umiiral ngayon na rebellion at invasion sa Mindanao.

Ayon kay Escudero, hindi maaring ituring na normal lang ang pag-iral ng martial law lalo pa at kahit wala ito ay kaya namang pagsikapan ng pamahalaan ang pag-unlad at kapayapaan sa Mindanao.

Facebook Comments