Manila, Philippines – Nilinaw ng Palasyo ng Malacañang na hindi nila agad ibinabasura ang panukala ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA na isailalim sa mandatory drug testing ang mga kandidato ngayong darating na halalan.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, kinikilala nila ang intensyon ng PDEA na i-educate ang mamamatan at maging maalam sa pagboto sa halalan.
Pero sinabi ni Panelo na sadyang may problema ang panukala ng PDEA lalo na sa national position dahil may desisyon na ang Korte Suprema na hindi maaaring dagdagan ang qualification sa mga posisyon tulad ng senador base sa nakasaad sa saligang batas.
Pero base naman aniya sa kwalipikasyon ng mga tumatakbo sa local na pamahalaan ay nakasaad ito sa Local Government Code kaya noong ipinasa ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ay lumalabas na naamiyendahan din nito ang local government code partikular sa qualification at eligibility ng mga tumatakbo sa local government.
Pero pag-uusapan pa aniya sa Malacañang ang mga ispesipikong pamamaraan sa panukala ng PDEA.
Nananatili pa rin naman aniya ang panawagan ng Malacañang na boluntaryong sumailalim sa drug testing ang mga kumakandidato para sa 2019 midterm election.