Cauayan City, Isabela- Ipinasakamay kahapon ng Marine Batallion Landing Team 8 ang kanilang ginawang klinika para sa mga Dupaningan Agta tribe bilang bahagi ng kanilang Outreach Program sa Sta. Ana, Cagayan.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Col. Rommel Bognialbal, ang Commanding Officer ng Marine Batallion Landing Team 8 kung saan isa umano ito sa kanilang mga programang pinagkakaabalahan ngayon bilang bahagi sa kanilang pagbibigay serbisyo.
Aniya, bahagi ito sa kanilang mga isinasagawang programa na sinusuportahan naman ng Sta. Ana, CEZA at ilang mga Doctor para sa libreng medical ng mga Agta tribe.
Ayon pa kay Col. Bognialbal, dumating umano ang kanyang batallion nitong nagdaang ika-walo ng Pebrero mula sa Tawi-tawi kung saan layunin din umano ng kanyang tropa na bantayan ang mga teritoryo na nasasakupan ng bansang Pilipinas partikular dito sa Hilagang bahagi ng Luzon.
Samantala, malaki naman ang pasasalamat ni Col. Bognialbal dahil sa mainit at maayos na pagtanggap ng mga Cagayano sa kanyang tropa kaya’t patuloy rin umano ang kanilang ibinibigay na serbisyo at seguridad para sa katahimikan at kaayusan ng kanilang nasasakupan.