KMP: Pag-iimport ng Pilipinas ng 150,000 MT ng asukal, hindi kailangan

Naniniwala ang isang grupo ng mga magsasaka na hindi natin kinakailangang mag-angkat ng asukal sa ngayon.

Sa harap ito ng gagawing pag-iimport ng pamahalaan ng 150,000 metriko tonelada ng asukal batay sa inilabas na Sugar Order No. 2 na pirmado ni Pangulong Bongbong Marcos.

Sa interview ng RMN Manila, iginiit ni Ka Paeng Mariano, chairman emeritus ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na hanggang sa ngayon ay wala namang maipakitang ebidensya ang pamahalaan na mayroon talagang kakulangan sa supply ng asukal sa bansa.


Ipinunto pa ni Mariano na nagsisimula na rin naman ang milling season ng mga locally produced na asukal na makakadagdag sa supply natin.

Kinuwestiyon din ni Mariano kung bakit hindi pa nagsasagawa ng imbentaryo ang pamahalaan upang malaman kung gaano karami pa ang mga naka-imbak na asukal sa mga bodega sa buong bansa.

Noong isang araw, inilabas din ng Sugar Regulatory Administration ang Sugar Order No. 1 na layong ipagbawal muna ang pag-e-export naman ng asukal na mula sa lokal na produksyon ng ating mga magsasaka hanggang sa susunod na taon.

Facebook Comments