Payapang namaalam sa edad na 46 ang gorilla na si Koko, na nakilala bilang dalubhasa sa sign language, mapagmahal sa pusa, at minahal ng marami kabilang ang ilang sikat na personalidad.
Namatay si Koko sa pagtulog, June 18, Martes, ayon sa pahayag ng The Gorilla Foundation.
Maagang tinuruan ng sign language si Koko o unang pinangalanang Hanabi-ko, Japanese ng “fireworks child”, na ipinanganak sa San Francisco Zoo noong 1971.
1974 naman nang ilipat ito ng ilang mananaliksik sa Stanford at saka naitatag ang The Gorilla Foundation–organisasyong layon ay pangalagaan ang mga gorilla.
Naging paksa ng maraming dokumentaryo ang gorilla, at dalawang beses naging cover ng National Geographic kung saan unang itinampok ang larawan ni Koko na kuha niya mismo sa salamin.
Nagkaroon din ng kasamang pusa si Koko na may pangalang All Ball na sa kasamaang palad ay nasagaan noong 1984–nang tinanong si Koko tungkol sa nangyari, sumenyas ito ng “Cat, cry, have-sorry, Koko-love.”
Koko, the gorilla known for sign language, has passed away at the age of 46. Here she is on the cover of the 1985 National Geographic. #RIPKoko 🦍 pic.twitter.com/U95wNsGdWy
— Nat Geo Channel (@NatGeoChannel) June 21, 2018
Naging kaibigan din ni Koko ang ilang sikat gaya ni Fred Rogers at Robin Williams.
Sinasabing nasa 2,000 salita ang naiintindihan ni Koko at kayang makasunod sa usapan.
Magpapatuloy naman sa kanilang adbokasiya ang The Gorilla Foundation.