*Cauayan City, Isabela*- Aprubado na ang resolusyong inihain ng Philippine Rural Electric Cooperatives Association Incorporated (PHILRECA) sa National Electrification Administration para sa libreng konsumo ng kuryente ngayong buwan ng Abril.
Ayon kay PHILRECA Partylist Rep. Presley De Jesus, sakop ng libreng konsumo ng kuryente ang mga member consumer na kokonsumo ng 50-kilowatt hour pababa ng kabuuang 121 electric cooperatives sa buong bansa gaya ng ISELCO.
Dagdag pa ng kongresista na sakaling hindi kayanin ng mga ilang electric cooperative ang ilang kilowatt ng konsumo ng kuryente ay maari pa rin na makapagbigay ang mga ito sa mga kokonsumo ng 10, 20, 25 at 30-kilowatt hour depende sa financial status ng isang kooperatiba.
Tiniyak naman ni De Jesus na sapat ang suplay ng kuryente sa buong bansa kaya’t wala dapat ipangamba ang publiko.
Giit pa ng opisyal na layunin ng kanilang hakbang na matulungan ang mga mahihirap para maibsan ang socio-economic impact ng Coronavirus Disease (COVID-19) crisis sa bansa.