Cauayan City, Isabela – Tiniyak ng City Treasury Office ng Cauayan na tumaas at naging maganda ang resulta ng pangongolekta ng mga buwis sa mga mamamayan sa lungsod ng Cauayan.
Ito ay matapos na makakolekta ng nasa 24 milyon ang naturang tanggapan mula sa mga tax at non tax revenues ng mga residente dito sa lungsod.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay ginoong Carlito Andres, ang ingat yaman ng Cauayan City, masayang ibinahagi nito ang pagtaas ng mga nakolektang buwis mula sa buwan ng Enero hanggang Hunyo.
Aniya sa ngayon ay mayroon na silang actual collection na 170,215,340 at kung susumahin ay nasa 82.16 porsyento na.
Samantala aminado si ginoong Andres na ang pinakamahirap singilin ay ang mga real property tax kung saan ay hindi pa nakakabayad dito sa lungsod.
Dahil dito ay patuloy naman umano niyang inaatasan ang iba pa niyang mga kasama upang personal na puntahan at abisuhan ang mga hindi pa nakakabayad.
Nilinaw pa niya na wala naman umanong problema sa pagbabayad ng buwis ng mga negosyante sa lungsod dahil sa buwan ng Hulyo ay nakabayad na umano sila.