Manila, Philippines – Hiniling ng Kamara na hanapan na agad ng Duterte administration ng sustainable fund para pondohan ang SSS sa mga maaaring gastos sa ilalim ng Expanded Maternity Leave Law.
Inirekomenda ni Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy na kumuha ang pamahalaan ng pondo mula sa nakolektang sin tax para mabigyan na ng alokasyon ang Expanded Maternity Leave.
Paliwanag ng kongresista, maaaring mapagkunan ng pondo ang sin tax collection ng gobyerno dahil bahagi naman ng Millenium Development Goals ang Expanded Maternity Leave Act.
Paliwanag ng kongresista maliit lamang ang magiging impact sa direct cost ng 105 days na maternity leave.
Aniya, noong 2016, sa 256,472 na mga buntis na nag-avail ng SSS maternity benefits ay nasa 18% lamang ang lumagpas sa P16,000 maximum salary credit claim.
Hinimok din ng mambabatas ang mga tumututol na employers na makipagtulungan para sa pagbuo ng implementing rules and regulation para maging flexible at epektibo ang nasabing batas.