Komento ng DOH ukol sa sariling health protocols ng Cebu Province, hihintayin ng Palasyo hanggang bukas

Binigyan ng Malacañang ng hanggang Huwebes, June 3 ang Department of Health (DOH) para magsumite ng komento kaugnay sa sariling health protocols na ipinatutupad ng Cebu Provincial Government.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nagpulong na sina Pangulong Rodrigo Duterte at Cebu Governor Gwen Garcia kaugnay ng kanilang sariling protocols.

Aniya, sinabi ng pangulo na bagama’t naiintindihan nito ang concern ng Cebu, dapat pa ring nasusunod ang mandato ng Inter-Agency Task Force (IATF).


Gayunman, hihintayin pa rin aniya ng pangulo ang komento ng DOH para malaman kung akma ang ginagawang health protocols ng Cebu Provincial Government.

“Pero ang sabi pa rin ng Presidente, ang mga national policies dapat sinusunod ng lahat. Pero pagdating po dito sa Cebu, ang naging desisyon ni Presidente, bigyan natin hanggang Huwebes ang Department of Health para mag-critique, “critique” doon sa revised protocols o ibang protocols na pinapatupad sa Cebu at tingnan natin kung akma ba talaga ito sa Cebu o mayroon ba tayong matututunan ‘no, pero hanggang Thursday po iyan,” ani Roque.

Sa ilalim ng protocols ng Cebu, isinasailalim sa COVID-19 test ang mga pasahero pagdating nila sa airport, papayagang mag-home quarantine at muli silang ite-test sa ikapitong araw para makasigurong wala silang virus.

Habang sa mandato ng IATF, hindi isasailalim sa COVID test ang dumating na balikbayan pagdating sa bansa, magpapa-swab test ang mga ito matapos ang pitong araw sa quarantine facility.

Facebook Comments