Umaray at umalma ang NFA Region 2 sa prangkang pahayag ni DA Sec William Dar na may palakasan at padrino system sa pagbili ng palay!
Sa naging pagpapahayag ni Mr Rocky Valdez, Regional Manager ng NFA Region 2, unfair umano ang ganitong pahayag dahil sa kanilang hanay mismo ay sinisikap nilang maging patas para makatulong sa mga magsasakang apektado ng Rice Tariffication Law.
Bagamat aminado si Valdez, na maaaring may bahid katotohanan ito pero ayon sa kanya ay maaaring sa mga nagdaang taon pa ang ganitong kalakaran. Kasabay nito ay hinikayat ni Valdez na makipag ugnayan sa kanyang tanggapan ang sinumang may alam ng ganitong kalakaran para ma aksiyunan kaagad. Dagdag pa niya, mas mainam sana kung tinukoy ng kalihim ang mga lugar na may palakasan para hindi mabahiran ang kanilang pagsisikap na makatulong.
Matatandaan na ginawa ni Sec Dar ang pahayag sa launching ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) sa Roxas, Isabela noong October 12, 2019.
Sa kabila nito, nilinaw ni Regional Manager Valdez na wala siyang sama ng loob kay kalihim William Dar.