Komprehensibong imbestigasyon sa mga anomalya sa BOC, hiniling ng isang kongresista

Manila, Philippines – Naniniwala si House Committee on National Defense and Security Vice Chairman Ruffy Biazon na napakababaw pa lamang ng imbestigasyon ng Kamara at Senado sa 6.4 Billion na iligal na droga na ipinuslit sa Bureau of Customs.

Dahil dito, iminungkahi ni Biazon sa Kamara na laliman pa ang imbestigasyon upang lalong maungkat ang iba pang iligal na gawain sa ahensya.

Paliwanag ni Biazon, ang komprehensibong imbestigasyon ay hindi para ipahiya o ipangalandakan ang kabuktutan ng ahensya kundi ito ay para hanapan ng solusyon at hindi na maulit ang mga katiwalian.


Sinabi ni Biazon na dati ring Commissioner ng BOC, na kailangan ng lehislatura na ituloy ang imbestigasyon sa mandato, tungkulin, organisasyon, polisiya at mga proseso ng ahensya para isa-isang matukoy ang kahinaan ng bawat isa sa mga ito.

Giit ni Biazon, madali para sa iba na magsabing dapat buwagin ang BOC pero hindi ito ganoon kadali dahil sa napakabigat na trabahong nakaatang dito.

Pinapayuhan pa nito ang mga kapwa mambabatas na magdahan dahan sa pagsusulong ng ganitong hakbang hanggat hindi alam ang ugat ng problema sa ahensiya.

Marami na umanong reporma na tinangkang nang ipasok sa BOC pero nabigo ang mga ito dahil hindi nagkaroon ng sapat na pag-aaral bago ito ipinatupad.

Facebook Comments