Komprehensibong pag-aaral ukol sa Bataan Nuclear Power Plant, iginiit ni Senator Binay

COURTESY: FERD REYES

Iminungkahi ni Senator Nancy Binay ang paglalaan ng pondo para makapagsagawa ng komprehensibong pag-aaral ukol sa Bataan Nuclear Power Plant o BNPP na itinayo noong 1976 sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Sa impormasyon ni Senator Sherwin Gatchalian, ngayong 2020 ay 52-million pesos ang nakalaan sa maintenance ng BNPP.

Ang National Power Corporation ang namamahala sa maintenance ng BNPP at humihingi ito ng 92-million pesos na budget para sa taong 2021.


Sa pagtaya ni Binay, ay umaabot na sa 200-million pesos ang naibuhos ng gobyerno para sa BNPP sa nagdaang apat na taon kahit hindi naman nagagamit.

Kaya giit ni Binay, sa halip na patuloy na magsayang ng pera sa BNPP ay dapat ng pagpasyahan na kung ito ay bubuhayin pa o pababayaan na lang.

Sinabi naman ni Energy Secretary Alfonso Cusi na sa pag-aaral na nilahukan ng foreign technicals mula sa Russia at Korea ay lumabas na pwede pang i-revive ang BNPP, pero ito ay mangangailangan ng dalawa hanggang apat na bilyong piso.

Ayon kay Cusi, magsasagawa sila ng hiwalay na pag-aaral para sa suhestyon ni Binay, bukod sa isa pang pag-aaral kaugnay sa pagsama ng nuclear power sa energy mix ng bansa.

Facebook Comments