Bumuo ang pamahalaan ng mas komprehensibong plano para matugunan ang mabagal na internet connection sa bansa.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, in-adopt ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang “Connect, Harness, Innovate, and Protect” (CHIP) conceptual framework na naglalaman ng mga polisiya at regulasyon para mapabilis ang operasyon ng 3rd telco player, gayundin ang issuance ng tower permit at pagpapalawak ng mga proyekto at programa para sa internet connection.
Aniya, marami pang kailangang gawin para makahabol ang bansa sa kinakailangan nitong Information and Communications Technology o ICT infrastructure.
Bukod dito, mas nakita rin aniya ng pamahalaan nitong may pandemya ang pangangailang mas mapaganda pa ang kalidad ng internet connection sa Pilipinas.
Sabi pa ni Nograles, target ng gobyerno na makapagpatayo ng 5,000 na telco tower sa susunod na tatlong taon, gayundin din ang pagpapabilis sa national broadband program at iba pa.
Maliban dito, inaprubahan na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyong na paglalabas ng provisional right of way para sa DICT infrastructure projects, ang pagpayag sa telcos na magtrabaho sa panahon ng emergencies at ang pag-isyu ng memorandum circular para sa health protocols ng telco manpower.
Kasama rin sa inaprubahan ng Pangulo ang pagkonsidera sa kinakailangang power capacity ng telco o ng telecoms infrastructure, ang paglalabas ng fixed regulatory fees ng Local Government Units (LGUs) para sa installation at repair ng telcos sa mga barangay, at pag-streamline o pagbabawas sa requirements at procedure ng permits na kailangan ng telco companies.