Kondisyon sa service credits ng mga guro, hiniling na alisin na

Ipinaaalis ni ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro ang limitasyon at mga kondisyon sa pagbibigay ng service credits sa mga guro sa pampublikong paaralan.

Tinukoy ni Castro na sa mahabang panahon ay hindi man lang natumbasan ng tamang kompensasyon ang dagdag na trabaho at serbisyo ng mga guro lalo ngayong may pandemya.

Sa House Resolution 2347 na inihain ng Makabayan sa Kamara, inaatasan ang House Committee on Basic Education and Culture na magsagawa ng imbestigasyon “in aid of legislation” patungkol sa guidelines ng Department of Education (DepEd) sa pagbibigay ng vacation service credits sa mga public school teachers.


Partikular din ipinatatanggal ng mga kongresista ang lahat ng kondisyon kasama na rito ang 15-day na limitasyon sa service credits ng mga guro.

Dahil limitado lang ang pwedeng bakasyon o pahinga ng mga guro, ang mga susunod na trabaho at serbisyo ay simpleng “thank you” na lamang ang kapalit.

Pinuri naman ng mambabatas ang pagsuspindi ng DepEd sa limitasyon sa service credits dahil sa COVID-19 pandemic ngunit umaapela naman si Castro sa ahensya na tuluyang tanggalin na ang nasabing kondisyon.

Nais din ng MAKABAYAN na palawigin din ang mga aktibidad at serbisyo na ginagawaran ng service credit ng DepEd.

Facebook Comments