Koneksyon nina Senators Drilon at Angara sa law office na nagdedepensa sa Dengvaxia cases, ibinunyag ng PAO

Ibinunyag ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Atty. Persida Rueda-Acosta na konektado sina Senador Franklin Drilon at Senador Sonny Angara sa law office na nagdedepensa sa korte sa manufacturer ng Dengvaxia vaccine.

Ayon kay Atty. Acosta, ang Angara Abello Concepcion Regala and Cruz Law offices ang abogado ng Sanofi Pasteur na siya namang manufacturer ng Dengvaxia anti-dengue vaccine.

Nanindigan si Atty. Acosta na ito ang dahilan kung bakit sa ilalim ng General Appropriations Act 2021 (GAA 2021) ay kapwa isinulong nina Drilon at Angara na alisan ng pondo ang PAO forensic laboratory.


Partikular ang isiningit na special provision sa GAA 2021 na nagbabawal sa PAO na gamitin nito ang kanilang personnel services at Maintenance and Operating and Other Expenses (MOOE).

Ang PAO forensic laboratory ang siyang sumusuri sa labi ng mga batang hinihinalang namatay matapos maturukan ng Dengvaxia vaccine.

Ang PAO rin ang siyang sunud-sunod na naghain ng reklamo sa Department of Justice (DOJ) laban sa mga sangkot sa Dengvaxia anti-dengue vaccine program ng Department of Health (DOH).

Ayon kay Atty. Acosta, 13-million na mga indigent na kliyente ng PAO ang maaapektuhan sa sandaling mahinto ang operasyon ng kanilang forensic laboratory.

Una nang nagpadala ng liham sa Malakanyang si Atty. Acosta para hilingin sa Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-veto sa isiningit na special provision sa GAA 2021.

Facebook Comments