Kongresista, aapela sa DOTr para payagan pansamantala ang motorcycle taxis

Dudulog si House Committee on Transportation at Samar Representative Edgar Mary Sarmiento sa Department of Transportation (DOTr) para iapela na pahintulutan na muna ang pamamasada ng motorcycle taxis.

Ang pag-apela ay kasunod na rin pag-apruba ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa pag-angkas sa mga motorsiklo sa pagitan ng mga mag-asawa gayundin ang disenyo para sa shield na magsisilbing proteksyon sa pagitan ng driver at angkas nito.

Sinabi ni Sarmiento na hinihintay pa nila ang rekomendasyon ng binuong Technical Working Group (TWG) kaugnay sa dinidinig na panukala na pagbibigay ng prangkisa sa mga motorcycle taxi bilang isang public transport.


Pero, iginiit ng kongresista na habang hinihintay pa ang resulta sa TWG ay hihilingin niya sa DOTr na hayaan na munang maka-biyahe muli ang mga motorcycle taxi tulad ng Angkas bilang pandagdag sa transportasyon ng publiko.

Tiniyak din nito na oras na matanggap ang TWG report ay agad diringgin ng komite ang mga panukala para sa agarang pagsasabatas sa pagbibigay prangkisa sa mga motorcycle taxi.

Facebook Comments