Kongresista, dismayado sa desisyon ng korte na ipawalang sala si John Paul Solano sa perjury case sa kaso ni Atio Castillo

Manila, Philippines – Dismayado si Ako Bicol Partylist Representative Alfredo Garbin sa naging desisyon ng Manila Metropolitan Trial Court Branch 14 na ipawalang sala si John Paul Solano, isa sa miyembro ng Aegis Jvris frat, sa kasong perjury sa pagpatay sa UST freshman law student na si Atio Castillo III.

Giit ni Garbin, isa sa mga nagsusulong at may-akda ng anti-hazing law, hindi siya makapaniwala sa ibinabang desisyon ng korte.

Mistula aniyang nagkaroon ng mis-appreciation ang korte sa mga naging pahayag ni Solano para makasuhan ito ng perjury matapos na hindi magsabi ng katotohanan sa unang sinumpaang salaysay.


Nababahala ang kongresista na kung nagawang makalusot ni Solano sa kanyang mga pagsisinungaling ay tiyak na madali ding makakatakas sa pananagutan sa batas ang iba pang frat members na sangkot sa pagpaslang kay Atio.

Maituturing aniya itong kawalan ng hustisya sa pamilya Atio at makakaapekto ang desisyon sa kasong homicide at paglabag sa anti-hazing law na ipinataw sa iba pang akusado.

Facebook Comments