Duda si Health Committee Chairman at Quezon Representative Angelina Tan sa katwiran ng PhilHealth na mauubos na ang pondo nito sa 2021.
Sa pagdinig ng Senado, ay iginiit ng PhilHealth na mauubos na ang reserved fund nito sa susunod na taon dahil sa pagbagsak ng koleksyon at pagtaas ng payouts dahil sa mga nagkakasakit ng COVID-19.
Ayon kay Tan, bagamat totoo na matindi ang naging epekto ng COVID-19 sa kalusugan ng mga Pilipino ay kapansin-pansin naman ang pagbaba ng ibang benefit package payments dahil sa takot ng mga tao na magpa-ospital at mahawaan ng nasabing sakit.
Hindi makapaniwala si Tan na masasagad na ang pondo ng PhilHealth sa 2021 dahil malaki pa rin ang matitipid nito bunsod ng maraming benefit package sa ibang mga sakit ang hindi nagagamit.
Giit ni Tan, hindi lamang ito ang unang pagkakataon na nagduda siya sa accuracy ng mga impormasyon na inilalabas ng ahensya.
Noong nakaraang taon ay hiniling ng kongresista sa Commission on Audit na magsagawa ng special audit sa PhilHealth kasabay na rin ng iba’t ibang anomalyang kinasangkutan nito.
Kabilang sa mga inimbestigahan din ang overpayment ng mga claims, maanomalyang dialysis treatments at iba pang upcasing practices ng ahensya.