Kongresista, hiniling sa DepEd ang mahigpit na pagsunod pa rin sa minimum health protocols kahit ipatupad ang ‘full face-to-face classes’

Umapela si ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro sa bagong pamunuan ng Department of Education (DepEd) na huwag ikompromiso ang implementasyon ng minimum health protocols sa mga paaralan para maisakatuparan ang “full face-to-face classes”.

Mababatid na sa ilalim ng pamumuno ni Vice President-elect at incoming DepEd Secretary Sara Duterte ay target nitong ipatupad ang full face-to-face classes sa darating na pasukan sa Agosto at ang plano na luwagan ang social distancing protocols sa mga paaralan na nasa ilalim ng Alert Level 1.

Paalala ng Assistant Minority Leader sa ahensya, mayroon pa ring COVID-19 kung kaya’t hindi dapat luwagan ang minimum health standards sa ganap na pagbabalik ng mga mag-aaral sa mga paaralan.


Aniya pa, hindi rin sapat ang mga pasilidad para matiyak na mayroong mga “safe space” sa mga mag-aaral at mga guro kung aalisin o luluwagan ang social distancing sa mga eskwelahan.

Sa halip ay dapat aniyang iprayoridad ng DepEd ang pagtugon sa kahandaan ng mga school facilities at laki ng bawat klase para sa ligtas na face-to-face classes.

Upang matiyak ang “safe reopening” ng mga klase, iminungkahi ng kongresista sa DepEd na maglagay ng maayos na bentilasyon, air filtration at washing and sanitation facilities.

Dagdag pa rito ang pagpapaigting sa vaccination programs sa mga kabataan, weekly testing sa mga guro at iba pang education support personnel, pag-hire ng mga dagdag na nurses at paglalaan ng pondo para sa gamutan ng mga magkakasakit ng COVID-19.

Facebook Comments