Kongresista, hinimok ang IATF na gayahin ang Indonesia sa pagbabalik operasyon ng mga motorcycle taxi

Iminungkahi ni Assistant Majority Leader at Quezon City Representative Precious Castelo sa Inter-Agency Task Force (IATF) na gayahin ang Indonesia matapos na payagan muli ang operasyon ng mga motorcycle taxi sa pamamagitan ng paglalagay ng shield o plastic separator na maghihiwalay sa driver at rider.

Hiniling ni Castelo na payagan na makabiyahe na muli ang mga motorcycle taxi tulad ng Angkas, Joyride at Move It kaakibat ng paglalagay ng plastic shields sa pagitan ng driver at ng pasahero nito.

Giit ng lady solon, kung nagawa na ito sa Indonesia ay hindi hamak na kaya ring gawin ito sa Pilipinas upang makatulong sa mga Pilipinong nawalan ng trabaho at kabuhayan dahil sa community quarantine.


Ang paglalagay ng plastic shield o separator sa motor ay magiging paraan ng pagsunod ng mga motorbike-hailing application sa physical distancing protocol.

Bukod dito, mahigpit ding susundin ang iba pang health protocols tulad ng pagsusuot ng driver ng Personal Protective Equipment (PPE) habang ang mga pasahero naman ay oobligahin na magdala ng sariling helmet at magsuot ng face mask kapag sasakay ng motor, gayundin ang pagkakaroon ng contactless payment at paggamit ng StaySafe.ph mobile application.

Tinukoy pa ng kongresista na malaking tulong ang pagpayag na makabiyahe ang mga motorsiklo para makabawas sa traffic at maiwasan na rin ang pagka-stranded ng mga commuter dahil sa limitadong access ngayon sa public transportation.

Facebook Comments