Manila, Philippines – Ibinulgar ni PBA PL Rep. Jericho Nograles na pinalitan ng Busan Universal Rail Inc. O BURI ang mga orihinal na Vehicle Logic Unit (VLU) ng MRT3.
Batay sa hawak na mga dokumento ni Nograles, lumalabas na isa tren na lamang o tanging ang car number #63 na lang ang may original VLU parts na mula pa sa Canadian firm na Bombardier Transportation Signal Ltd.
Ang VLU mula sa kumpanya na ito ay idinesenyo mismo para sa MRT3.
Pero sa hawak na ebidensya ng kongresista, pinalitan ng ibang parts o hindi tugmang parts ang VLU ng ibang tren dahilan nagkanda-chopsuey ito at palaging nagkakaaberya.
Ang VLU ang nagsisilbing utak at safety device ng bawat tren sa MRT.
Lumalabas aniya na nagsisinungaling ang BURI sa pagdinig ng House Committee on Good Government matapos na sabihin ng abogado ng BURI na original at walang pinalitan sa VLU ng mga tren.
Aalamin naman sa susunod na pagdinig kung sino ang kumuha o kung ninakaw ba ang VLU ng MRT.