Kongresista, iginiit na rin ang pagkakaroon ng mandatory registration ng mga prepaid sim cards

Nakikiisa si Deputy Speaker at Valenzuela Rep. Wes Gatchalian sa panawagan ng Department of Trade and Industry (DTI) na gawing mandatory ang pagpaparehistro ng mga prepaid sim cards.

Ito ay para matulungan ang mga awtoridad na matukoy at mahuli ang scammers at mga sangkot sa mga iligal na gawain sa online na naglipana ngayong pandemya.

Ayon kay Gatchalian, may-akda ng Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration Act sa Kamara, mistulang nagpapalit lamang ng damit ang pagpapalit ng prepaid sim cards ng mga kawatan kaya hindi na nakapagtataka na naging magnet ito para sa iligal na mga gawain.


Tinukoy ng kongresista na lumobo ang bilang ng online scams at iba pang fraudulent transactions partikular sa food delivery services dahil sa paggamit ng sim cards.

Ilan sa mga modus ngayon ay ire-register ang mobile number ng sim sa isang food delivery service application gamit ang pekeng pangalan at saka bibili o o-order ng pagkain o items ang isang kawatan at huli nang malalaman ng rider na peke pala ang food delivery sa kanya.

Giit ni Gatchalian, suportado ng mga telecommunications company at delivery riders ang mandatory SIM card registration upang mapuksa na ang mga ganitong panloloko.

Ipinunto pa ng mambabatas na maiiwasan na rin ang text scams sa oras na maging ganap na batas ang panukala dahil maoobliga na ang prepaid sim card users na magpakita ng valid ID at ire-register ang personal na impormasyon ng user.

Facebook Comments