Ikinatuwa ni Senior Citizens Partylist Representative Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes ang paalala ng Bureau of Internal Revenue sa mga establismento hinggil sa ‘discount privileges’ ng senior citizens at person with disabilities. Ito ay sa pagbili ng kanilang pangangailan sa pamamagitan ng text message o online.
Ayon kay Rep. Ordanes, nakatanggap siya ng mga reklamo ukol sa hindi pagbibigay ng diskuwento ng maraming establismento sa mga senior citizens na gumagamit ng ‘e commerce.’
Ani Ordanes, naiparating na nya ang reklamo sa Department of Trade and Industry na agad ding ipinaalala na ang ‘online at proxy purchases’ ng senior citizens ay sakop ng naaayong diskuwento.
Base sa Expanded Senior Citizens Act of 2010, ang mga senior citizens ay may pribelihiyong 20% discount na may VAT exemption sa mga produkto at serbisyo.
Aniya, umigting ang isyu ng hindi pagbibigay ng diskuwento sa mga nakatatanda sa kanilang ‘online purchases’ nang hindi sila palabasin ng bahay dahil sa pandemya. Sa Revenue Memorandum Circular 71-2020 na inilabas ni BIR OIC Marissa Cabreros, inatasan nito ang kanilang field officials na ipatupad ang joint resolution ng pitong ahensiya, kasama na ang DTI, Department of Health, Department of Social Welfare and Development at BIR para sa pagtalima ng mga establismento sa pagbibigay diskuwento sa senior citizens at PWDs.