Pinamamadali ni Assistant Minority Leader France Castro ang pagbibigay sa mga guro ng natitira pang P3,000 na Service Recognition Incentive (SRI).
Napag-alaman aniya sa kanilang ginawang online survey na marami pang school divisions ang hindi pa nakakatanggap ng SRI para sa mga public school teachers.
Iginiit ng kongresista na agad na maibigay ng Department of Education (DepEd) ang nasabing insentibo na noong Enero 5 pa nai-download sa mga regional offices at school divisions offices.
Bagamat maliit na halaga lang ang tatlong libo ay makakatulong naman ito para tugunan ang pangangailangan ng mga school personnel lalo na sa gamot kung magkasakit ng COVID-19 at iba pang kailangan sa pagtuturo.
Umaasa na lamang ang kongresista na maibigay na sa lalong madaling panahon ang benepisyo at hindi matulad sa ibang mga pangakong benepisyo sa mga guro na bukod sa pahirapan na ay patagalan pa bago makuha.