Kongresista, kinukwestyon ang profiling ng PNP sa mga organizer ng community pantry

Kinukwestyon ngayon ni Bayan Muna Partylist Rep. Ferdinand Gaite ang ginagawang profiling ng Philippine National Police (PNP) sa mga organizers ng community pantries.

Ang pagkwestyon ng kongresista ay kasunod ng nag-viral sa social media post na nagpapakitang pinuntahan ng mga pulis ang community pantry sa Pandacan, Maynila at inusisa ang pagkakakilanlan at affiliation ng organizer.

Tanong ni Gaite, para saan at bakit kailangang alamin kung may kinabibilangang organisasyon ang mga nagtatayo ng community pantry sa iba’t ibang lungsod.


Diretsahan namang inaakusahan ng kongresista ang mga aniya’y Diehard Duterte Supporters (DDS) troll ng paninira sa inisyatiba dahil sa pagtawag sa community pantries na hakbang para sirain ang administrasyong Duterte.

Samantala, sa halip na pagdiskitahan ang mga organizers ng community pantries ay pinayuhan ng kongresista ang mga pulis na mag-donate na lamang dahil ang gusto lamang ng mga nagtatayo ng community pantry ay tumulong sa mga nangangailangan ngayong panahon ng pandemya.

Facebook Comments