Kongresista, kinwestyon ang ginawang bakunahan sa mga kabataan sa mga ospital

Umaalma si Iloilo Rep. Janette Garin sa ginawang pagbabakuna sa mga kabataan sa mga ospital.

Sa pilot vaccination sa mga menor de edad, pinili ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) na isagawa ang bakunahan sa mga piling ospital sa Metro Manila.

 

Kinuwestyon ng dating health secretary na bakit pinayagan ito ng IATF gayong ang mga kabilang sa high-risk na mahawaan ng COVID-19 tulad ng mga matatanda, maysakit, at frontliners ay binakunahan sa mga paaralan, covered courts at open areas.


Giit ni Garin, ang nasabing desisyon ay hindi siyensya ang pinagbatayan bagkus ito ay produkto ng “fake news” at “misinformation”.

Tinukoy ng kongresista na isang “common sense” na maituturing na hindi ligtas na lugar ngayong pandemya ang pagsasagawa ng aktibidad sa mga ospital dahil lalo lamang nalantad ang mga kabataan na mahawaan ng ibang viruses lalo na ang COVID-19.

Maliban dito, dagdag pabigat din aniya sa mga overworked, at underpaid na health workers ang desisyon ng IATF na bakunahan sa ospital ang mga kabataan.

Duda rin ang kongresista kung kinunsulta ng IATF ang National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) at mga eksperto ukol sa pagsasagawa ng vaccination ng mga kabataan sa mga pagamutan.

Facebook Comments