Muling kinalampag ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda ang pamahalaan na madaliin ang pamamahagi ng ayuda sa mga mahihirap na pamilya sa bansa.
Kasunod na rin ito ng pagtaas ng inflation rate nitong Mayo na naitala sa 5.4% na dulot ng mataas pa rin na presyo ng langis at mga pangunahing bilihin.
Iginiit ni Salceda na higit ngayong mas kailangan na madaliin ng gobyerno ang pamimigay ng ayuda upang makatulong sa pamumuhay ng mga mahihirap na pamilya.
Nangako ang kongresista na siya mismo ang hihingi ng ‘follow up’ sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno na ‘in-charge’ sa pamamahagi ng ayuda.
Aniya, ang P500 na ayuda na lang ang inaasahan ng mga mahihirap na Pilipino sa kapalit ng pagsuspindi ng excise tax sa langis.
Ibinabala pa ni Salceda na asahan ang pagtaas ng mga bilihin hanggat naririyan ang kaguluhan sa Russia at Ukraine na sa kasalukuyan ay malabong mapahupa o matapos agad.