Binantaan ni House Minority Leader Benny Abante na ipapabuwag ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Sa pagdinig ng House Committee on Public Accounts, sinabi ni Abante na mukhang mas nararapat na lusawin at palitan na ang pangalan ng PhilHealth kung hindi nito mareresolba ang mga isyung kinakaharap ng ahensya.
Aniya, narinig niya si PhilHealth President and CEO Ricardo Morales na nagsabing kailangan lamang i-rehabilitate ang ahensya at hindi dapat buwagin.
Giit ni Abante, hindi naman niya talaga gustong buwagin ang PhilHealth pero kung hindi naman matitigil ang problema ng katiwalian sa loob ng ahensya ay marapat lamang na alisin na ito.
Bukod sa buwagin at palitan ang pangalan ay inirekomenda rin ng Minority Leader ang agad na pagbibitiw ng mga opisyal ng PhilHealth at pinapapalitan ang mga ito ng mga indibidwal na kayang gawin ng tama at maayos ang trabaho.
Ilan sa mga kinakaharap na anomalya ng PhilHealth ang overpriced IT system, P15 billion na pondong nakurakot ng ilang mga opisyal at P154 billion loss dahil sa over payment at iba pang fraud issues.