Binalaan ni Deputy Speaker Isidro Ungab ang mga Pilipino kaugnay sa posibleng kaharapin ng bansa at ng ekonomiya sa mga susunod na buwan.
Ang “economic alert warning” ng kongresista ay kaugnay na rin ng pagharap ng bansa sa mataas na inflation rate, patuloy na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo, kakulangan sa suplay ng pagkain, pinahabang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine, at dagdag pa rito ang panibagong “spike” o pagtataas ng COVID-19 cases sa bansa.
Ayon kay Ungab, nasa sa atin kung papaano malalagpasan ang pinansyal na kagipitan na nararanasan hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
Pinayuhan ng kongresista ang mga Pilipino na habang naghihigpit ng sinturon ang marami sa mga kababayan ay pinaghahanap din ng mambabatas ang mga ito ng ibang mapagkukunan ng kita at maging mapamaraan sa ganitong mga panahon.
Hinimok din ng mambabatas ang publiko na magkaisa at tulungan ang papasok na administrasyong Marcos upang makayanan at malagpasan ang mga problema at kahirapan ng ekonomiya.
Matatandaan namang bukod sa nagpahayag ng suporta ang kongresista sa plano ni President-elect Marcos na stimulus package sa ilalim ng 2023 budget, ay inirerekomenda rin nito sa pamahalaan na i-update ang Medium-Term Philippine Development Plan for 2023 – 2028 dahil ito naman ang magsisilbing gabay sa pagba-budget sa mga gastos sa mga susunod na buwan at taon ng Marcos administration.