Nakukulangan si Marikina Representative Stella Quimbo sa ‘information drive’ ng pamahalaan para sa bakuna laban sa COVID-19.
Ito ay dahil hanggang ngayon ay nag-aalangan pa rin ang maraming Pilipino sa available na COVID-19 vaccine at mas hinihintay o pinipili nila ang napupusuang brand ng bakuna tulad ng nangyari kamakailan sa Pfizer vaccine.
Giit ni Quimbo, mahalagang maitulak ng gobyerno at makumbinsi ang publiko na kung ano ang naririyan o available na vaccine ang siyang pinakamainam na bakuna.
Paliwanag pa ng mambabatas, ang mga bakuna na mayroon ang bansa ngayon ay pasado sa standards ng World Health Organization (WHO) at nakakakuha ng Emergency Use Authorization (EUA) mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Inihalimbawa ng kongresista ang CoronaVac ng Sinovac na maraming isyu sa unang rollout nito ngunit kalaunan naman ay napatunayang pasok ito sa mininum standards pagdating sa “efficacy” at naging maganda naman ang resulta nito sa mga nabakunahan.
Iminungkahi ni Quimbo na pag-ibayuhin dapat ng pamahalaan ang information drive sa COVID-19 vaccine na sesentro sa pangunahing layunin ng bakuna na protektahan ang mga tao mula sa pagkamatay dahil sa COVID-19.
Kung gagamitin din aniya ang mga epektibo at modernong paraan ng information campaign ay tiyak na magbabago ang pananaw ng publiko sa COVID-19 vaccine.