Manila, Philippines – Hiniling ni Albay Rep. Edcel Lagman sa pamahalaan na dagdagan ang budget para sa Family planning sa susunod na taon.
Ayon kay Lagman, pangunahing may-akda ng RH Law sa Kamara, nasa P342.482 Million pesos lamang ang inaprubahang budget sa Family Planning sa 2018 budget.
Napakaliit aniya nito dahil naapektuhan ang pagpopondo matapos ang inisyung TRO noon ng Supreme Court sa 51 contraceptives.
Ngayong sinertipikahan muli ng Food and Drug Administration na non-abortifacient ang 51 contraceptives, dapat na dagdagan ang pondo dito dahil tiyak na kukulangin ang isusuplay na mga contraceptives sa ilalim ng ipapatupad na RH Law.
Inirekomenda ni Lagman sa Senado sa pagbabalik sesyon na gawan ng paraan na madagdagan ang pondo para sa Family Planning habang ito ay nasa deliberasyon pa lamang.