Umapela si Deputy Speaker Loren Legarda sa pamahalaan na mag-invest na sa “knowledge economy”.
Naniniwala ang kongresista na ang pamumuhunan sa “knowledge economy” ay makakatulong para mapaghusay pa lalo ang mga manggagawang Pilipino at maitaas ang kanilang “value” partikular sa international information technology companies.
Kailangan aniyang mapanatili na advance ang kakayahan ng ating workforce sa pamamagitan ng pagbubukas sa mga ito sa software programming at iba pang innovation capabilities.
Daan aniya ito para makalikha ng workforce na may highly specialized knowledge na magiging dalubhasa at kwalipikado sa larangan at mangangahulugan ito ng mataas na sahod at mataas na tyansang ma-hire ng best technology companies sa buong mundo.
Tinukoy ng mambabatas ang IT professionals na ang trabaho ay support staff na sumasahod lang ng ₱15,000 hanggang ₱17,000 kada buwan na malayo sa international programmers na sumusweldo ng hanggang ₱1 million kada buwan.
Dagdag pa ni Legarda, ang pamumuhunan ng gobyerno sa human capital development ay makakatulong para makapag-produce ng workers na may sapat na kaalaman at kakayahan na makakatulong din sa “advance research and development” ng bansa.