Kongresista, pinatitiyak sa DOH na walang pwersahan sa pagbabakuna ngayong ipatutupad ang “brand agnostic” policy 

Hiniling ni House Committee on Health Chairman Angelina “Helen” Tan na dapat matiyak ng Department of Health (DOH) na walang pilitan sa pagbabakuna ngayong ipapatupad ang “brand agnostic” policy kung saan hindi iaanunsyo ng mga Local Government Unit (LGUs) ang brand o tatak ng COVID-19 vaccine na itinakda sa mga vaccination sites.

Magkagayunman, suportado ni Tan ang “brand agnostic” ng DOH para na rin maiwasan ang pagdagsa at “overcrowding” o siksikan ng mga tao sa mga lugar ng bakunahan.

Sa kabila ng pabor ang kongresista sa polisiyang ito, pinasisiguro naman niya sa DOH na walang magaganap na pwersahan na pagtuturok ng bakuna sa mga tao.


Dapat din aniyang matiyak na hindi mababalewala ang karapatan ng mga tao na malaman kung anong uri ng bakuna ang ibibigay sa kanila sa oras na sila ay nasa vaccination site.

Paliwanag ni Tan, bilang isang medical doctor ay buo ang kanyang pagkilala sa karapatan ng bawat indibidwal o pasyente tulad ng “right to informed consent and information.”

Hinimok naman ni Tan ang DOH at iba pang kaukulang ahensya ng pamahalaan na palakasin ang mga hakbang para mapataas pa ang kumpiyansa ng mga tao sa COVID-19 vaccines.

Facebook Comments