Buo ang paniniwala ni Albay First District Representative Edcel Lagman na walang patutunguhan kundi mauuwi lang sa kompromiso ang planong pag-amyenda sa mga probisyon ng 1987 Constitution.
Pahayag ito ni Lagman makaraang ihain ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang Resolution of Both Houses of Congress na layuning magpatawag ng Constituent Assembly para sa Charter Change (Cha-Cha).
Bunsod nito ay binanggit ni Lagman na ang digmaan laban sa umiiral na Konstitusyon ay sa pagitan ng Kamara na nagsusulong ng People’s Initiative para pag-isahin ang boto ng dalawang kapulungan at Senado na nais naman ng Constituent Assembly para sa hiwalay na pagboto.
Sa kabila nito ay nakikita ni Lagman na magkakaroon ng kompromiso ang magkabilang panig para isakatuparan ang constitutional amendments.
Babala ni Lagman, bukod sa idudulot na pagkawatak-watak ay magiging biktima nito ang kinabukasan ng bansa dahil mapapasakamay at makokontrol na ng dayuhan ang mga sensitibong sektor tulad ng public service, education, media at advertisement.
Kaya naman giit ni Lagman, sa halip na Cha-Cha ay mas dapat tugunan ng Kongreso at ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang krisis sa ekonomiya, agrikultura, food security, edukasyon, fiscal deficit, utang at pagiging agresibo ng China sa West Philippine Sea.