Umalma si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon sa panibagong pader na itinayo ng Bureau of Corrections (BuCor) sa mismong kalsada sa Muntinlupa.
Giit ng mambabatas, talagang umulit pa ang BuCor sa paglalagay nito ng pader na malaking perwisyo sa mga tao, at labag pa sa civil code.
Aniya, nakakadismaya ang walang kwentang polisiya ni BuCor Director General Gerald Bantag.
Ikinagulat na lamang aniya nila noong Linggo na panibagong pader ang itinayo ng BuCor sa Type B sa NBP Reservation lalo’t hindi pa aniya nila nareresolba ang isyu sa pader na itinayo sa Insular Prison Road noong Marso.
Tulad noong una ay wala ring abiso at koordinasyon ang BuCor sa mga residente at lalo na sa local government officials bago itinayo ng pader.
Binigyang diin ni Biazon na ang pader na itinayo ng BuCor ay balakid sa safety, security, at kalusugan ng mga apektadong residente dahil hinaharangan ng pader ang entryways papasok sa Southville 3 at Type B dahil hindi makakadaan para makaresponde ang police, fire, at emergency services.
Kasabay nito ay sumulat si Biazon kay House Committee on Justice Chair Vicente Veloso na magsagawa ng public hearing salig sa House Resolution 1666 na nananawagan ng investigation in aid of legislation kaugnay sa insidente.