Umapela si Deputy Minority Leader at Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate sa Department of Justice (DOJ) na tugisin at isama na rin sa sisilipin ang lahat ng mga pulis na sangkot sa pagpatay sa ilalim ng “war on drugs campaign” ng Duterte administration.
Kasunod ito ng pagbibigay direktiba ng DOJ sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang 154 police officers na sangkot sa 52 kaso ng pagpaslang sa mga drug suspects sa madugong anti-drug campaign ng pamahalaan.
Giit ni Zarate, bakit lilimitahan ang pagsasampa ng kaso sa mahigit 50 cases ng pagpatay sa mga hinihinalang dawit sa iligal na droga gayong mismong ang Philippine National Police (PNP) ang umamin na humigit kumulang anim na libong drug suspects ang kanilang napaslang mula nang magsimula ang drug-war noong July 2016.
Ang maliit na bilang ng kaso na iniimbestigahan ngayon ay 0.9% lamang ng kabuuang bilang na inamin noong una ng PNP.
Hindi aniya katanggap-tanggap ang ginagawang “crime washing” na ito ng mga law enforcers at mga agents na responsable sa krimen.
Inihirit ni Zarate na isapubliko ang report ng imbestigasyon ng DOJ at pinasusumite rin ng report ang ahensya sa Kongreso kasunod na rin ng pangako ng ahensya nitong katatapos lamang na budget deliberation.
Ipinasasailalim din ng mambabatas sa preventive suspension ang mga police officers na sangkot sa pagpatay sa mga drug suspects upang hindi maimpluwensyahan at madoktor ang mga ebidensya.