Umaasa si Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na sa pamamagitan ng “word-of-mouth” ay mas maraming Pilipino ang mababakunahan.
Para kay Defensor, hindi naman maikukonsiderang seryosong problema ang “vaccine hesitancy” ng mga Pilipino.
Sinabi ng mambabatas na nakadepende ngayon tayo sa “word-of-mouth marketing” para matugunan ang vaccination hesitancy ng mga kababayang takot at ayaw pa magpabakuna.
Naniniwala ang kongresista na dahil mas marami na ang nabibigyan ng COVID-19 vaccine sa bansa ay nasasabi nila ng personal sa mga kaanak at ibang mga tao ang mga positibong karanasan sa vaccine na siyang magreresulta naman para maengganyo at magkusa na rin ang iba na magpabakuna.
Aniya, nagiging “receptive” o mas nagiging tanggap ng mga indibidwal ang vaccine sa oras na makatanggap sila ng magandang feedback mula sa mga kamag-anak, kapitbahay, kaopisina at kakilala.
Mas lalo rin aniyang tataas ang bilang ng mga gustong makatanggap ng bakuna sa oras na maging mas accessible ang vaccination services sa bansa.