Kongresista, umalma sa PNRC na tigilan na ang pamba-blackmail sa pamahalaan

Pinatitigil ni Surigao del Norte Representative Robert “Ace” Barbers ang Philippine National Red Cross (PNRC) sa pamba-blackmail sa pamahalaan.

Kasunod ito ng paghinto ng PNRC sa pagsasagawa nito ng Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) COVID-19 test dahil sa hindi pa nababayarang bilyones na utang ng PhilHealth.

Ayon kay Barbers, anumang alegasyon ng isang entity laban sa gobyerno ay kailangang sumailalim muna sa review at beripikasyon.


Sa ginagawa aniya ng PRC, hindi naman ang pamahalaan ang nagdurusa rito kundi ang taumbayan.

Katunayan, wala aniyang karapatan ang PNRC na obligahin ang pamahalaan na magbayad sa naturang tests dahil wala aniyang valid contract sa pagitan ng PNRC at PhilHealth.

Bukod pa dito, iligal din aniya ang kasunduan ng PhilHealth sa PNRC dahil sa imbes na reimbursement salig sa memorandum na inilabas ng Executive Secretary ay advance payment ang ipinatupad na sistema na aabot sa halagang P100 milyon.

Facebook Comments