Kinalampag ni Buhay Party-list Rep. Lito Atienza si House Speaker Alan Peter Cayetano na payagan na ang pagdalo ng mas maraming kongresista sa Kamara upang personal na makalahok sa sesyon.
Apela ito ng kongresista bunsod na rin ng sinasabing iregularidad sa naging botohan sa inihaing resignation ni Cayetano bilang Speaker.
Ayon kay Atienza, dapat hayaan na ng Kamara ang mga miyembro nito na lumahok ng personal sa mga debate sa mga mahahalagang panukalang tinatalakay tulad ng ₱4.5 trillion na 2021 national budget.
Pitong buwan na aniya ang nakalipas pero walang ginagawang hakbang ang liderato ng Kamara upang maglabas ng protocol para sa gradual reopening ng Kongreso.
Giit ni Atienza, ginagamit na lamang na excuse o palusot ng liderato ng Kamara ang COVID-19 upang makontrol ang mga isinasagawang deliberasyon sa plenaryo.
Simula aniya noong Marso ay pare-pareho lamang ang mga mambabatas na pinapayagan na physically present sa plenary at sa mga committee hearings.
Kinukwestyon tuloy ng mambabatas kung may itinatago ang grupo ng House Speaker.