Hinimok ni Muntinlupa Representative Ruffy Biazon ang Kamara na kondenahin ang mga bagong insidente ng harassment ng China sa mga Pilipino sa West Philippine Sea.
Sa House Resolution 1707 na inihain ni Biazon, mariin nitong kinukondena ang patuloy na pangha-harass ng mga pwersa ng pamahalaan ng China sa mga Pilipino sa karagatan at teritoryong sakop ng bansa.
Ilan sa mga bagong insidente sa West Philippine Sea ay ang pagharang ng isang barko ng China Coast Guard sa mga Pilipinong nakasakay sa isang civilian vessel sa Ayungin Shoal.
Bukod pa ito sa patuloy na presensya ng mga barko na pinaniniwalaang Chinese militia vessels sa Julian Felipe Reef.
Ayon kay Biazon, hindi dapat tumigil ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa paghahain ng diplomatic protest laban sa China lalo’t hindi tumitigil ang mga ito sa paglabag sa karapatan ng Pilipinas at mga Pilipino sa West Philippine Sea sa kabila ng pagkilala rito ng international laws.
Hiniling nito na pagpaliwanagin ang Chinese representative sa Pilipinas ukol sa harassment o pambu-bully ng Chinese Navy vessels sa nabanggit na teritoryo.
Umapela rin ang kongresista sa Department of National Defense (DND) na ipagpatuloy ang pagsasagawa ng maritime patrols sa Philippine Exclusive Economic Zone (EEZ) upang igiit at protektahan ang karapatan ng Pilipinas sa naturang teritoryo.