Manila, Philippines – Hinimok ni House Committee on Health Vice Chairman Mike Defensor ang Kongreso na maghain ng joint resolution para sa hirit na taasan ang minimum na sahod ng mga nurse sa mga pampublikong sektor.
Ito ay matapos katigan ng Supreme Court (SC) na maitakda sa salary grade 15 ang base pay ng mga nurse.
Ayon kay Defensor – pagkakataon naman ng Kongreso na mag-apruba ng resolusyon para itaas sa P30,531 ang minimum na sahod ng mga nurse.
Aniya, maaaring kunin ang alokasyon para rito sa miscellaneous personnel benefits fund gaya ng ginawa nang itaas ang base pay ng mga pulis at sundalo.
Inirekomenda rin ni Defensor ang posibilidad na isama sa bagong salary standardization law (SSL) ang adjustment sa sweldo ng mga government employed nurses.
Sa kasalukuyan, ang nurse 1 ay tumatanggap lamang ng salary grade 11 o P20,754 kada buwan.