Kongreso, kailangan munang kumbinsihin ang ehekutibo para sa itatatag na Department of Water Resources

Kailangan munang kumbinsihin ng Kongreso ang Punong Ehekutibo para maisama sa priority bills ng Marcos administration ang pagtatatag ng Department of Water Resources.

Matatandaang hiniling ni Committee on Public Services Chairman Senator Grace Poe na mapabilang sana sa listahan ng LEDAC priority measures ang Department of Water upang agad na mapagtibay at para mapangasiwaan at maresolba ang taun-taon na lamang na problema sa suplay ng tubig sa bansa.

Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, hindi pa bukas ang economic team ng Pangulo sa tuwing pinaguusapan sa LEDAC ang pagbuo ng panibagong kagawaran.


Aniya, palaging sinasabi ng mga Kalihim ng Department of Budget and Management (DBM) at Department of Finance (DOF) ang tungkol sa rightsizing kung saan aalisin ang mga tanggapan na redundant o hindi na mahalaga para malaki ang matipid ng pamahalaan.

At dahil isusulong ang pagtatatag ng bagong departamento ay mahalagang mahikayat muna ang Executive tungkol dito dahil kung hindi ay masasayang lang din aniya ang oras, effort at political capital na inilaan kung sa huli ay ive-veto lang din ng presidente.

Magkagayunman, sinabi ni Zubiri na kung may katiyakan na susuportahan ito ng Pangulo ay may kasiguraduhan na ito ay syento por syentong aaprubahan ng Kongreso.

Facebook Comments