Kongreso, kinalampag ng isang kongresista na magpatawag ng special session upang aprubahan ang panukalang magpapalawig sa Bayanihan 2

Kinalampag ni Ways and Means Chairman Joey Salceda ang Kamara na irekomenda ang pagsasagawa ng “special session” upang maaprubahan ang panukalang pagpapalawig sa Bayanihan 2 na nakatakdang mapaso ngayong June 30.

Giit ni Salceda, sa ilalim ng House rules at Senate rules ay pinapayagan ang Kongreso na magsagawa ng special session pero mas mainam kung mismong ang pangulo ang magpapatawag nito.

 

Sa aide memoire ng kongresista sa liderato ng Kamara, nagbabala si Salceda na ito ay “life or death decision” dahil ilang libong contact tracers at health workers ang magla-lapse o matitigil kung walang extension na makakaapekto sa pinangangambahan pagtaas ng COVID-19 cases sa mga probinsya.


Sakaling tuluyang mag-expire ang Bayanihan 2 ay kasabay ring mapapaso ang pondo para sa mga contact tracer at health workers na na-hire sa ilalim ng stimulus package.

Aniya, ilang local response team at civil society groups na rin ang humiling sa Kamara na magpasa ng panukala kaakibat ng pagpapalawig sa paggamit sa pondo ng Bayanihan 2 hanggang December 31, 2021.

Batay naman sa financial report ng Department of Budget and Management (DBM), tinatayang P18.4 billion unobligated funds para sa critical pandemic response at recovery programs ang mag-e-expire sa ilalim ng Bayanihan 2.

Kabilang aniya rito ang P6.6 billion para sa lab testing ng human resources for health, at P873 million para sa contact tracing.

Facebook Comments