Konsehal sa Cagayan, Pinatay ng NPA

Baggao, Cagayan – Pinagbabaril 20 armadong kasapi ng New People’s Army(NPA) ang isang konsehal sa bayan ng Baggao, Cagayan.

Bandang 7:10 kaninang umaga, Disyembre 2, 2017 ay kagagaling lang sa bukid ni Councilor Angelo “Buridek” Luis nang may 20 na armado ng M16 at M14 na nakasuot ng uniporme ng army ang pumasok sa kanyang compound at hinahanap siya.

Nang napansin ng konsehal na hindi totoong sundalo ang mga dumating ay tumakbo siya papasok sa loob ng kanyang bahay na siya namang kinuhang tiyempo ng mga NPA na siya ay pagbabarilin.


Namatay agad ang konsehal dahil sa tinamong mga tama ng bala ng M14 at M16.

Ang insidente ay nangyari mismo sa tahanan ng naturang konsehal sa Barangay Awallan, Baggao, Cagayan.

Sa panayam ng RMN News Team kay P/Chief Insp. Emil Pajarillo, hepe ng naturang bayan ay kanyang ibinahagi na kaagad siyang humingi ng tulong sa SOCO, RPSB at Army na ngayon ay nagsasagawa ng operasyon laban sa mga tumakas na NPA.

Ibinahagi pa ni hepe Pajarillo sa pareho ding panayam na pagkatapos ng naturang pagpaslang ay pinuntahan din ng mga NPA ang bahay ni Awallan Punong Barangay Orlando Goronio at kinuha ng sapilitan ang kanyang lisensiyadong baril bago tuluyang tumakas sa gawing sementeryo sa naturang barangay papuntang kabundukan.

Samantala nagpalabas naman ng pagkondena ang tanggapan ni Gobernador Manuel Mamba ng Cagayan sa ginawang karahasan ng mga NPA.

Sinabi sa pahayag na ang naturang pagpatay ay isang simpleng gawaing terrorismo: “This killing disguised as an act of patriotism pursuant to communist ideologies is nothing but plain and simple terrorism” ayon sa pahayag ng Cagayan provincial government.

Ang Philippine Councilors League (PCL) Cagayan Chapter sa pamamagitan ng kanilang Presidente na si BM Mailla Ting Que ay nagpahayag din ng pagkondena sa naturang pangyayari.

Inako ng grupong Henry Abraham Command-New People’s Army ang pagpatay sa miyembro ng konseho ng Baggao.

Si SB Angelo “Buridek” Luis ay dating kasapi ng AFP bago siya pumasok sa pulitika sa Baggao, Cagayan.

Facebook Comments