Konsiderasyon ng CA sa TRO na nagsususpinde sa direktiba ng ERC na bawal ipasa sa consumers ang dagdag-singil dahil sa pagmahal ng kuryente, inaasahan ni PBBM

Hindi ikinatuwa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang posibilidad na pagtaas sa singil sa kuryente.

Ito ay matapos ang ipinalabas na Temporary Restraining Order (TRO) ng Court of Appeals (CA) pabor sa petisyon ng South Premiere Power Corp. ng San Miguel Corp.

Ang TRO ay nagsususpinde sa direktiba ng Energy Regulatory Commission (ERC) na bawal ipasa sa consumers ang dagdag-singil na magreresulta ng mas mahal na fuel dahil wala ito sa kontrata nila sa Meralco.


Ayon kay Office of the Press Secretary OIC Usec. Cheloy Garafil, umaasa ang presidente na irerekonsidera ng CA ang desisyon nito, at isasama sa deliberasyon ang matinding magiging epekto sa mga ordinaryong Pilipino ng pagtaas ng singil sa kuryente.

Unang ibinasura ng ERC ang hirit na taas-singil sa kuryente ng Meralco, SPPC at SMC dahil sa pagtaas ng presyo ng coal at natural gas materials na ginagamit sa pagpo-produce ng kuryente.

Giit ng ahensya, ang napagkasunduang presyo sa power supply agreement ay “fixed by nature” at ang mga dahilang binanggit ng SPPC at Meralco upang magtaas ng generation charge ay hindi kasama sa mga exception na magpapahintulot ng price adjustment.

Facebook Comments