Cauayan City, Isabela – Kung pagbabasehan ang dami ng mga nanood, sold-out na mga tickets at mga concert merchandise, masasabing tagumpay ang “Save a Life Concert, Bangon Marawi Kasama Mo Kami” ng JCI Cauayan Bamboo Chapter.
Ito ang kinumpirma sa RMN Cauayan News Team ngayong araw Disyembre 25, 2017, ni Ginoong Michael Angelo G. Dalupang, 2008 JCI Cauayan Bamboo President at ngayo’y 2018 JCI Regional Training Director.
Kanyang ibinahagi na maaaring nasa humigit-kumulang 100 libong piso ang kinita ng katatapos na konsiyerto.
Aniya, isa sa higit na nagpakilig sa mga manonood ay ang paglabas ng mga guest performers na sina Keanno at Joao ng Pinoy Boyband Superstar.
Kasama rin sa nasabing concert si 2017 World Championship of Performing Arts (WCOPA) medalist Fin Ramirez, na pawang taga Naguillan Isabela.
Matapos ang konsiyerto, magkakaroon naman ng post evaluation at accounting upang alamin ang eksaktong halagang nalikom, ayon kay Ginoong Dalupang.
50% ng kabuuang halagang malilikom ay ibibigay bilang donasyon sa pagsasaayos sa Marawi.
Samantala ang natitira 50% ay gagamitin naman ng JCI Cauayan Bamboo para sa kanilang mga lokal na proyekto sa Lungsod ng Cauayan.