Inumpisahan na ang konstruksyon ng una sa dalawang frigates na binili ng Philippine Navy sa South Korea.
Pinangunahan ni Philippine Navy Flag Officer in Command Rear Admiral Robert Empedrad ang keel-laying ceremony sa Ulsan, South Korea kahapon ng umaga.
Sa isinagawang seremonya, tatlong bloke ng magiging “pinaka-katawan” ng barko ang inilatag sa building dock number 6 ng Special and Naval Shipbuilding Division ng Hyundai Heavy Industries sa South Korea.
Kasama ni Empedrad sa delegasyon si Department of National Defense Chief for Acquisition Office, Director Leodegario Decena Dela Paz; Commander, Naval Sea Systems Command, at Rear Admiral Giovanni Carlo J. Bacordo.
Ayon kay Commander Jonathan Zata, tagapagsalita ng Philippine Navy, ang keel-laying ceremony ay isang “major step” sa konstruksyon ng mga frigates na inaasahang ide-deliver on schedule sa Philippine Navy sa taong 2020.
Magugunitang nanganib na maantala ang proyekto dahil sa naging isyu sa combat control system na ilalagay sa naturang mga barko.